SAMPALATAYA

Ang "sampalataya" ay dal'wang salita,
Una ay ang "sampa" pangal'wa ay "taya",
Talasalitaang may tagong hiwaga,
Dapat inaaral at inuunawa.
 
Dahil sa mayaman ang ating panitik,
Dapat binabaybay ang bawat tilamsik,
Kung ito'y aralin ay kaakit-akit,
Animo'y palayang kung mamunga'y hitik.
 
Ang "sampalataya" anu nga bang saysay?
Kung 'di maaarok tunay na hulagway,
Upang kanyang diwa laging manalaytay,
Huminto na muna at magnilaynilay.
 
Ang salitang "sampa" kung uunawain,
Ay kapayapaan dulot sa damdamin,
Lalo na't biyahe ng buhay matulin,
Isampa kay Kristo S'yang Kapitan natin.
 
At kung buhay naman sa Dios itataya,
Lubos ang panalo tiyak walang daya,
Langit na pangako siyang gantimpala,
Walang hanggang buhay masaya't payapa.
 
Pagsampalataya ay wala ring saysay,
Kung si Hesu Kristo 'di muling nabuhay,
Anong aasahan natin na tagumpay,
Kung tagapagligtas nanatiling patay?
 
Paskong Pagkabuhay ang siyang dahilan,
Kung bakit 'di tayo pinanghihinaan,
Pinagtagumpayan N'ya ang kamatayan,
Kaya marapat na S'ya'y pagtiwalaan.
 
Ang hamon ko ngayon sino ang tutugon?
Buo na tiwala kay Kristo ituon,
Pasani't hinaing sa Kanya isumbong,
Pagsampalataya sa Kanya'y yayabong.
 
©Mobibard / Intellectual Rights Reserved.