Showing posts with label Mobitalk. Show all posts
Showing posts with label Mobitalk. Show all posts

BUSAL

Kailan mawawakasan danas nating kahirapan,
Sana'y muling masaksihan matatamis na ngitian,
At nawa'y 'di na matakpan yaring angking kagandahan,
Maibalik na ang saya walang humpay na huntanan.

Ang ingay ng mga batang madalas nagtatawanan,
Musika ang s'yang kawangis pag sila'y naghalakhakan,
Ngunit ang nakakalungkot sila man ay binusalan,
Sa takot na pati sila mahawa sa karamdaman.

Sana bukas pag gising ko ngiti nila'y 'di na takpan. ♥️

©MobiBard
Intellectual Rights Reserved.
Busal

ENTABLADO

'Di kayang hadlangan mumunting pangarap,
Kakambal man nito'y mga paghihirap,
Lagi mang madilim yaong alapaap,
Sagot sa tanong ay hindi maapuhap.

Unipormeng basa aklat at kuaderno,
Kasama sa buhay kasama sa kwento,
Magsisilbing gabay sa pagsisiguro,
Sa unos at hamon hindi patatalo.

Bagkus ay gagawing isang entablado.

©MobiBard
Intellectual Rights Reserved.
Entablado
Photo Credit: ipk

PIPIT

Sabay sa pagbuhos malakas na ulan,
At sigwa ng hangin walang pakundangan,
Ang pipit sa sanga'y walang alinlangan,
Kahit na pugad n'ya'y tangaying tuluyan.

Nagmasid bahagya sabay na umawit,
Sa gitna nang unos sa dilim ng langit,
Ngunit 'di matinag sa kanyang pagbirit,
Sapagkat mamaya araw ay sisilip.

Sa gitna nang unos payapa ang pusong mayroong pananalig.

©MobiBard
Intellectual Rights Reserved.
Pipit
Photo Credit: ipk