Showing posts with label Farmer's Poem. Show all posts
Showing posts with label Farmer's Poem. Show all posts

Kamatis

Sa pagkakahimbing nagising na biglâ,
Sa ingay ng kulog antok ay nawalà,
Sungit ng panahong nakababahalà,
Tanim kong kamatis ay bakâ masirà.
 
Ang puno at tangkay niyang malalambot,
Sa lakas ng hangin tiyak babaluktot,
Harinawa’y ‘di na lumakas ang huyop,
Upang kamatis ko ay hindi malagot.
 
Mayaman pa mandin ito sa vitamin,
Nangunguna rito sustans’yang lycopene,
May antioxidant na beta carotene,
Chlorogenic acid pati naringenin.
 
Angkop na pampigil pagtaas ng dugô,
Maging sa atake ng sakit sa pusò,
May kapangyarihang cancer ay igupò,
Mabisang panlunas sa matang malabò.
 
Malasutlang kutis na pinapangarap,
Ito’y garantiyang pangkinis ng balat,
Kung kayâ magpapak nito ng madalas,
Upang araw-araw maganang gumanyak.
 
©Mobibard / Intellectual Rights Reserved.
Photo Credit: Carol Dizon


LUYA (Ginger)

Kung may halaman mang ipagmamalaki,
Masasabing mahal kapagka binili,
Halaga'y talaga naman na matindi,
Mapapakamot ka kahit di makati.
 
Ang tinutukoy ko'y luya na halaman,
Mantakin ang presyo tila pang mayaman,
Marapat magtanim sa ating bakuran,
Upang makatipid kahit konti manlang.
 
Halina't ungkatin mga benepisyo,
Dahil pakinabang ay talagang mutso,
Huwag na isipin mataas na presyo,
Ang sa kalusugan nalang isaulo.
 
Mikrobyo't bakteryang di nakabubuti,
Tulad ng shigelaa at nitong E.colli,
Upang mapigilan at di na dumami,
Solusyon ay luya na napakatindi.
 
Ang siko at paa't, masel na masakit,
At kahit ano pang klase na arthritis,
Luya'y ipantapal o yung ginger compress,
Ay kaginhawaan siyang makakamit.
 
Boses ay gaganda sa halamang luya,
Kahit kapiraso at gawin na tsa-a,
Higupin, namnamin sabay na kumanta,
Kung wala sa tono mag-ensayo muna!
 
Ang hamon sa lahat higop ng salabat,
Lalo kung madalas yaong pamamalat,
At dahilsa mahal ang halamang ugat,
Sulitin sa kanta, bumirit, bumanat!

©Mobibard / Intellectual Rights Reserved.

MUSTASA (Mustard Green)

Ang mulát na mga mata ganda ay napagmamasdan,
Mga bulaklak sa hardin mga halamang luntian,
Maging ang simoy ng hangin sa dampi’y nasasarapan,
At huni ng mga pipit musikang napakikinggan.
 
Tuloy biglang naalala noon ngang mga bata pa,
Yaong taniman sa libis sa malawak na tumanà,
Dahil sa gustong matikman kung lasa’y mapait nga ba?
Pinitas nga at nginuya luntiang dahong mustasa.
 
Itong gulay na mustasa sa panlasa ma’y mapait,
Ngunit aking natitiyak napapalis mga sakit,
Mga sustansiyang taglay sa tulâ ko’y ibabanggit,
Nang mapansin itong gulay at maisama sa diet.
 
Hindi maikakaila sámot-sarì ang pagsubok,
Ang buhay minsa’y masaya kung minsa’y paghihimutok,
Pandama’y “malá-mustasa” mapapait, mapupusok,
Ngunit ito’y kaakibat sa katagumpayang rúrok.
 
Ang mustasa pag kinain sa buhay nagpapalawig,
Kahit pa ang lasa nito’y sadyang ‘di kaibig-ibig,
Ngunit ito’y asistens’ya na lalo tayong tumindig,
Sa mga hámon ng buhay hindi basta palulupig.
    
Hindi man kaaya-aya’t maaaring hindi gusto,
Ang lasa nitong halamang ‘pinangangalandakan ko,
Ngunit kapagka nalaman kanyang mga benepisyo,
Ay bakâ nga ipagpalit sa maalat na puchero.
   
Mga sakit sisipain pag mustasa ay kinain,
Mapait man sa panlasa ngunit dapat na tanggapin,
At sa buhay ay kagaya mapapait na dalahin,
Upang ginhawa’y makamtan kapaita’y titiisin.
 
©Mobibard / Intellectual Rights Reserved.

CHIKOO (Manilkara Zapota)

ARARO (Plow)

Lahat ng nangagtatanim iisa yaong mithiin,
Binhing sa lupa’y ‘pinunla aalagaa’t didil’gin,
Kaniyang palalaguin ang halamang itinanim,
Upang sa takdang panahon saganang ani kakam’tin.
 
Napakahalagang bagay kagamitan sa pagpunla,
Ang antigo na araro at kalabaw na panghila,
Kalakip ng panalanging kalangita’y maghimala,
Harinawa! Ay ulanin ang natitigang na lupa.
 
Larangang dalubsakahan araro’y presyosong gamit,
Lalo na’t lupa ay tigang kung umulan ‘di malimit,
Marapat lamang linangin ang sinasaka na bukid,
Nang sa gayon ang lupain saganang ani makamit.
 
Maging ating kabataan linangin din ang ugali,
Kahit bata ay maalam kung hindi wasto ang gawì,
Kapagka inuutusan nguso’y agad nakangiwi,
Kung sumagot sa magulang animo sila ay hari.
 
Pagpasok sa paaralan dapat lamang pag-igihan,
At sa mga natutunan iangkop sa kagawian,
Magulang ay pakitaan minsa’y pagmalasakitan,
Araruhin kahit saktan ‘yung dotahan na tambayan.
 
At dapat na linangin din maging ating mga puso,
Kung singtigas na ng bato ang isipan at ang ulo,
Sa mga maling prinsipyo at ang pagtatalo-talo,
Dapat na mag-unawaan at magmahalang totoo.
 
©Mobibard / Intellectual Rights Reserved.

AYUNGIN

Kamakailan lang sa may kabayanan,
Itong sina Chairman ay nagkatuwaan,
Mga matatanda pinagkaisahan,
Sa larong takbuhan sila’y sinubukan.
 
Abá! Int’resado raming na-engganyo,
Ayaw magpa-awat lahat ay may gusto,
Matibay naman daw ang tuhod at butó,
Dahil kumakain ng prutas na chikoo.
 
Hindi man ans’yano ako’y mahilig din,
Hindi sa takbuhan kundi ang kumain,
Nang prutas na chikoo h’wag lang mabibitin,
At upang sa sanga’y hindi lumambitin.
 
Ang prutas na ito’y mayaman sa calcium,
Pampatibay butó phosphorus at iron,
Kung kayâ si lolo kumasa sa hámon,
Basta’t papayagang may bitbit na baston.
 
Sa lamig at ubo mabisang pangontra,
Lulusawing husto namumuong plema,
Paninigarilyo’y tigilan na sana,
Paghinga ay tiyak lalong giginhawa.
 
Napakabisa rin nito na panlunas,
Sa buhok na minsa’y nagkakanda-lagas,
Butó ng langis lang ang makalulutas,
Sa pagkakapanot na bunga’y kangalas.
 
Mga bitaminang A, E, C, na bitbit,
Gamot na mabisa at nagpapakinis,
Gaganda na tiyak balat na karetkét,
Pampabata tingnan pampagandang kutis.
 
©Mobibard / Intellectual Rights Reserved.
Ayungin

ALIMURAN (Snake Fruit)

Itong alimurán masusing pagmasdan,
Animo ay ahas ang balat kung tingnan,
Kung hindi nga alam mapagkakamalán,
Itong prutas palá ay bunga ng rattan.  
 
Pag binabalikan mga alaala,
Nagdaang panahon may ilang dekada,
Butong alimuran laruang kayganda,
Sa sungkâ, at jackstone, sa tirador-bala.
    
Tawag ay Kalápi sa iba'y Kayapi,
Punòy matitinik bunga’y natatangi,
Kapagka natikman kayhirap tumanggi,
Sapagkat ang lasa ay kawili-wili.
     
Sa fiber na taglay kalusuga’y sapat,
Sa timbang mabisa ito na pambawas,
Kaunting kainin sa tiya’y mabigat,
Hindi maaksaya magsaing ng bigas.
     
May antioxidant na garantisado,
Balát na magaspang paplantsahing husto,
Pekas, taghiyawat, kulubot na noo,
Ay pipirinsahin nitong todo-todo.
     
May beta carotene pampalinaw-tingin,
Sa digestive system mahusay ang tannins,
Nagpapalusog din ‘tong prutas sa’ting brain,
At kung may duda ka’y i-Google mo na rin.
 
©Mobibard / Intellectual Rights Reserved.

TULONG SA SAKAHAN

May maidudulot kaya sa'king abang kalagayan?
Mga paang nasa lusak maahon sa kahirapan,
Dahil tila walang sagot sa sigaw o sa daing man,
Mistula ay minana pa mula gasong kasanggulan.
 
O, akin ngang napagtanto sa'king pagninilay-nilay,
Mga tanim ko't halaman tuluyan ang pananamalay,
Dahil kulang sa patubig na natatanging karamay,
Kung ulan lang aasahan kawawang palay at gulay.
 
Sa mga nanunungkulan aming dulog nama'y dinggin,
Maralitang mamamayan panaghoy na kalingain,
Dahil sinasakang bukid siyang bukal ng pagkain,
Lunong kat'wa;y mangatog man patuloy na lilinangin.
 
Mayro'ng mapagkukuhanan kakaylanganing abono,
Ngunit ani'y di sasapat malamang pa'y abonado,
Aming payak na pamanhik gobyerno ay sumaklolo,
Hindi nga ba't no'ng halalan binigkas sa entablado?
 
Ngunit kung laging bangayan itong aming maririnig,
Sa mga nanunungkulan sino sa amin kakatig?
Ang tulong bang nakalaan dakdakan lang ba ng bibig?
Hinahanap naming tulong abono maging patubig.
 
©Mobibard / Intellectual Rights Reserved.
Tulong sa sakahan

PAKÔ (Fiddlehead fern)

Minsan sa handaan ako’y nakadalo,
Ah, hindi gatecrasher ako’y kumbidado,
Okasyong kainan, abá! Gustong-gusto,
Kung di ko pa alam parehas lang tayo.
      
Sa raming pagkaing handa sa lamesa,
Katakam-takam nga’t kahali-halina,
Nakatawag-pansin sa’king mga mata,
Yaong nakahaing pakông ensalada.
      
Ang gulay na ito ay pangkaraniwan,
Sa may tabing ilog ay matatagpuan,
Kung sa paghahanap ay nahihirapan,
Mainam magtungo sa Pamil’hang Bayan.
      
Mayaman sa calcium itong ating gulay,
Ang ngipin at butó ay pinatitibay,
Dahil may thiamine at iron na taglay,
Maiiwasan na ang panlulupaypay.
      
Hinahanap-hanap na tumpak na tugon,
Sa “pa’no gagaan?” na palaging tanong,
Dahil nga sa tabâ't kalor’yang naipon,
Ang fiber sa pakô ang tanging solusyon.
 
Upang mga mata ay maging malusog,
Sangkap ang elétsong tagapagtaguyod,
Kayâ maghanda nang kayurin ang niyog,
Mag-gatâ nang Pakô kahit walang sahog.
 
©Mobibard / Intellectual Rights Reserved.
Paco

NIPA (Sasa)

Yaong bahay kubong pinakamimithi,
Bahay bakasyunan kapag umuuwi,
Ang bubong ay pawid dingding aya sawali,
May sariwang hanging malamig dumampi.
 
Itong bahay kubo hindi mabubuo,
Kung wala ang nipa sangkap sa pagtayo,
Dahon ng anahaw pwede rin naman po,
Ang bubong na nipa tanging nasa puso.
 
Ang puno ng sasa raming pakinabang,
Dahon gawing pawid sombrero't basket man,
Ginagamit din 'tong pambalot sa suman,
Tingting gawing walis kalat maiwasan.
 
Nipa'y maaari na ipangalakal,
Lambanog na alak, suka, at asukal,
Tuba na produkto napaka-espesyal,
Kaya bumili na habang di pa mahal.
 
Sa sakit na ulcer mabisang panlunas,
Mura niyang dahon pigain ang katas,
Masakit na ulo at ngiping may butas,
Ang may angking galing ay abo ng ugat.
 
Udod naman nito'y masarap gulayin,
Kapagka gataan lagyan pampaasin,
Kung di pa natikman ang lasa n'yang angkin,
Masarap na ulam matakaw sa kanin.
 
Suka nito'y lunas sa may diabetes,
Ang katas ng bunga panggamot sa herpes,
Kapag sa sasaan ay may tumalilis,
Baka gagamutin iniindang sakit.
 
©Mobibard / Intellectual Rights Reserved.
Nipa


ALUGBATI (Malabar Spinach)

Ako'y nagtataka, nagtatanong pati,
Ba't ang halamang 'to, hindi naisali,
Kantang "Bahay Kubo", inaawit lagi,
Kahit pa ulitin, walang alugbati.
 
Kaya ang humabi ng tula'y marapat,
Upang benepisyo ay maisiwalat,
At kung kakantahin ang tono'y ilapat,
Pakasiguruhing hindi namamalat.
 
Itong alugbati masarap na ulam,
Panlahok sa munggo't sa prigal kay-inam,
Sa amoy pa lamang ay katakamtakam,
Tiyak na ang lasa ay magugustuhan.
 
Bitaminang taglay kung pakasilipin,
Mula A hanggang Zinc konti lang ang absent,
Ang payo ng doktor marapat na sundin,
Marami raw sakit itong sisipain.
 
Pagtaas ng dugo kung namomroblema,
Yari nga ang gulay na nagpapakalma,
Ang sakit ng ulo'y hindi rin u-ubra,
Dahil sa manganese at potassium niya.
 
Problema sa tummy ito ang solusyon,
Pag-aalburuto ay napapahilom,
Tiyak maginhawa sa buong maghapon,
Magaan sa loob walang konsumisyon.
 
At kung pampabata naman iyong ganap,
Ito nga ang gulay na 'yong hanap-hanap,
Kakaibang taglay pangkinis ng balat,
Pati pampatulog pahinga ay sapat.
 
Kayo'y umamin po bigla kang huminto,
Agad na inawit kantang bahay kubo,
Ang akala kase ako'y nagbibiro,
Walang alugbati, wala pwera biro.
 
©Mobibard / Intellectual Rights Reserved.
Alugbati
Photo Credit: Evelyn Rosete Miranda

BATAW (Hyacinth Beans)

Ang ganda n’ya’y lumilitaw pag nasikatan ng araw,
Tinutukoy ko’y ‘di ikaw kundi ang bunga ng bataw,
Ang bitamina n’yang saklaw mas sigà pa sa ‘yong bayaw,
Mga sakit tinutunaw kalusuga’y umaapaw.
 
Ito’y mabisa na gamot nagpapagaling sa sore throat,
At sa natuklaw ng man-og lulunasan ang pagkirot,
Kung ikaw ay wala sa mood at palaging nalulungkot,
Ang mineral nitong copper pang-ayos ng mood at outlook.
 
Phosphorus, calcium, vita D, ang pampigil sa tooth decay,
Pinatitibay ang butó pati sa ngipin ay healthy,
Pamamaga ng gilagid maiiwasan din pati,
Kayâ ating kabataan pakainin nito lagi.
 
Tambak ba iyong problemang nagdudúlot ng insomnia,
Ang magnesium nitong bataw matapat na kaalyansa,
Sa puyat na nagpahirap ay hindi na magdurusa,
Dahil sa gulay na bataw tiyak plakda ka sa kama.
 
Mataas din sa zinc content na pumipigil sa cancer,
Ang mutasyon ng selula ay mariing napipigil,
Mahalaga namang papel sa pagtunaw itong fiber,
Kung duda ka ay itanong sa ‘yong doktor at kay titser.
 
Ang cardiovacular disease maaaring maiwasan,
Kung palaging kumakain nitong bataw kaibigan,
Dahil itong ating gulay mutso sa vitamin B1,
Sa pangmalakasang pusò itong bataw ang number one.
 
©Mobibard / Intellectual Rights Reserved.
Bataw
Photo Credit: Evelyn Rosete Miranda

DATE PALM

Mali ang ‘yong inakala kung date lagi sa Luneta,
Tinukoy ko’y ‘di mag nobya kundi ‘tong tanim na palma,
Sikat sa Saudi Arabia sa Pinas din may tanim na!
Kilatisin lang ang bunga bakâ pang nganga’ng makuha.
 
Kung mamunga ay kayhitik sustans’yang dalá ay higit,
Potassium, iron, manganese, maging fiber nakadikit,
Kung kayâ ang mga sakit walang puwang na kumapit,
Basta’t kain ng palmang date lalo’t may isyu pa’ng Philhealth.
 
Ayon nga sa kasaysayan doon sa Gitnang Silangan,
Itong palma na kung saan nabubuhay sa initan,
Itinuring, ibinilang, na isa ngang kayamanan,
Pangunahing pinagkunang pagkain ng mamamayan.
 
Lalong mainam sa buntis kumain ng prutas na date,
Ang pagkirot at pagsakit ng tiyan ay mapapalis,
Mawawala’ng pagkainis magagawa’ng kanyang nais,
Kay mister ay mangungulit tuloy laging umaalis.
 
Ang palmang date ay may taglay na bitamina sa utak,
Mabisang pampaalala lalo sa may memory gap,
Ugaliin ding magbasa upang sa utak tumatak,
Nang sa gayo’y maiwasan na ang grado ay bumagsak.
 
Tumpak din na pampatamis because date palms are very sweet,
Puwéde ring pampadikit dahil sa sobrang malagkit,
Iyong igan ko sa Kuwait pag-uwi ay nalalapit,
Sana may daláng chocolate magpasalubong din ng dates.
 
©Mobibard / Intellectual Rights Reserved.
Date Palm
Photo Credit: Henry Danilo Pasana Mansi

MASAYANG MAGTANIM

Magtanim ‘di biro ‘yan ang naituro,
Tuloy kabataan gusto lang ay larô,
Ang hirap nga naman maghapon na-yukô,
Buti pa ang Dota may libreng pa-upô.
 
Kayâ tingnan ngayon bagong henerasyon,
Panay na ang layaw ayaw nang tumulong,
Kapag inutusan halos ‘di tumugon,
At kung mapilitan sira ang maghapon.
 
Araro’t asarol maging piko’t pála,
Di alam gamitin t’wing nasa tumanà,
Kung Grand Thief Auto ‘yan, Mobile Legend, Dota,
Tiyak ay mabilis kung umarangkada!
 
At habang bata pa marapat supilin,
Paggamit ng gadget angkop lang kontrolin,
At sa araw-araw dapat ihabilin,
Matutong gumawa turuang magtanim.
 
Sana’y intindihin nitong kabataan,
Na ang pagtatanim mayrong pakinabang,
Di nga ba’t maganda yaong kasabihan,
“Kapag may ‘tinanim, t’yak na may anihan”.
 
Mapangyari sana hangarin kong payak,
Na ang kamalayan sa puso’y tumatak,
Itong pagtatanim nagdudúlot galak,
Masaganang ani ating matitiyak.
 
©Mobibard / Intellectual Rights Reserved.
Masayang Magtanim
My younger brother Nathan maneuvering his hand tractor @ Farm Moro

KUNDOL

Kapag sa dalaga binata’y sumipol,
Malamang may gusto at hahabol-habol,
Lalo na kung kutis singkinis ng sanggol,
Kapagka manligaw dila’y nabubulol.
 
May ibang dalagang laging nagmamaktol,
Sa problemang kutis na may bukol-bukol,
Ang mga soltero’y ayaw nang pumatol,
Babaling ang tingin sa iba’y kakabtol.
 
Ngunit may hiwaga ang gulay na kundol,
Pag buto’y kinain problema mo’y sapól,
Kutis ay gaganda pangkinis ang ukol,
Mga manliligaw tila mabibintól.
 
Sipon at trangkaso’y iiwas, tututol,
Dahil vitamin C ang siyang bubundol,
Mga nabuong bile nang sa cholesterol,
Tutunawin iyan ng gulay na kundol.
 
Paninging malinaw kung ito iyong goal,
Isama sa diet ang gulay mga ‘tol,
Sinigiguro kong ‘di ka magbabasol,
Tiyak tatamaan target sa pagpukol.
 
At kung kakanin din naman iyong habol,
Masarap na hopia ay sangkap ang kundol,
Matamis na kendi pambaon sa iskúl,
Tiyak matutuwa anak mong bardagól.

©Mobibard / Intellectual Rights Reserved.
Kundol

TALONG

Ako’y mayro’ng ibubulong
Disin sana’y makatulong
Maaari ring isumbong
Sa iba ang aking layon.
 
Di bale nang usad pagong
Mahalaga’y gumugulong
Ang pagkain nitong talong
Sabay-sabay na isulong.
 
Mayaman sa bitamina
May minerals at fiber pa
T’yak malaki yaong tsánsang
Iyong puso’y guminhawa.
 
At sa timbang pampababâ
Sa’ting utak pampatabâ
Cancer nama’y mawawalâ
Itong gulay may himalâ.
 
O kaysarap! Tortang talong
Kahit kanin pa ma’y tutong
Swak din ito sa bagoong
Ang sawsawan toyo’t lemon.
 
Ensalada’ng aking áyon
Datíng sa'kin ay tentasyon
Ngunit bagong henerasyon
Hinahanap: hotdog-hamón.
 
Minsan ako’y nadismayá
At totoong nairitá
Itong gulay ginagawang
Laruan at pampatawa.
 
Ang pangamba ba’t nawala?
Na ang grasya balewala
Alibugha lang ba sadya?
Sa ‘binigay na biyaya.
 
©Mobibard / Intellectual Rights Reserved.
Talong