KALYO

Marahang kinapa ang paltos sa palad na humapdi bigla,
Pumikit sandali pagmulat ng mata ngayo'y nga'y tulala,
Tila nagtatanong ngunit kasagutan tila baga wala,
Ngunit di titigil kalyo ma'y kumapal tuloy lang sa gawa.
 
Ang bitbit na itak tanging sandata n'yang animo'y kabiyak,
Puluha'y kuminis tandang marami nang pawis ang pumatak,
Hindi man sinadya buhay na tinahak sa tulad n'yang hamak,
Sa hamon ng buhay hindi palulupig at 'di pasisindak.
 
Tila ay manhid na ang kamay at paa na balot ng grasa,
Sa apat na sulok isang lumang talyer buhay n'ya'y hinulma,
Hindi iniinda kung minsa'y maipit ng bakal ang paa,
Dahil sa pag-uwi ay may isang anghel sa kanya'y kakanta.
 
Kaygandang awitin tila 'yun ang dating sa mga tsikiting,
Sa sigaw ng mamang may pasan na pingga at boses matining,
Kahit eskinita na medyo madilim kanyang papasukin,
Handog n'ya ay saya kalusuga'y dala pawi ang galimgim.
 
Ang pagod at puyat kulog man o kidlat araw ma'y sumikat,
Ay di patitinag hanggat sa buo pa kanyang lumang lambat,
At habang libre pa ang mamalakaya sa asul na dagat,
Magpapahinuhod hanggang makahuli isdang ipapangat.
 
Halos ay mapudpod swelas ng sapatos pagsunod-pagsugod,
Sa parke't simbahan sa mga pasyalan sila'y nakakubkob,
Buhay litratista hindi iniinda kahit anong pagod,
Litrato'y ma'lapat anggulo at sukat sulit na panghagod.
 
©Mobibard / Intellectual Rights Reserved.

No comments:

Post a Comment