BANGKETE

Itong si Mang Lopab ay sikat sa bayan,
Maraming katulong dagsa sa tauhan,
Na nangagsisilbi’t nagpapaligsahan,
Dahil may pabuya sa nagugustuhan.
 
At nagpatayo pa ng bagong kamalig,
Mga bagong ani apaw na’t niliglig,
Habang walang tigil traktor na kuliglig,
Laging nililinang taniman na bukid.
 
At napipilitan ilang ‘di pinalad,
Iprenda ang manang lupa kay Mang Lopab,
Sapagkat kapos na ang perang pambayad,
Pangmamatrikula: bunsong nasa syudad.
 
Ang mayamang Lopab nagdaos ng piging,
Mga imbitado dagsaang dumating,
Mayama’t mahirap naging panauhin,
Lahat nangabusog nang magsipagkain.
 
Sa kalagitnaan nitong pagsasaya,
Pinatigil muna pagtugtog ng banda,
Dahil may anunsyong napakahalaga,
Mga naroroon agad tumalima.
 
Sa may entablado ay kumaway-kaway,
Inisa-isa n’ya kaniyang tagumpay,
Sukli ay palakpak, hiyaw, at wagayway,
Tuloy kasiyahan, todong walang humpay.
 
Mga panauhin nang magsipag-uwi,
Agad si Mang Lopab sa k’warto nagawi,
Habang bitbit-bitbit ang kaniyang susi,
Plakda sa higaan na parang nalugi.
 
At maya-maya pa pintúa’y kinatok,
Ang silid-higaan niya ay pinasok,
‘Yon pala ay takdang si Lopab itampok,
Nitong Kamatayan kung saan na pook.
 
Ang porma at asta ang sigla at kisig,
Animo’y halamang hindî na nadilig,
“Hangal! Kalul’wa mo ay ipagsusulit”,
Haharap sa Hukom hungkag walang bitbit.
 
Napal’tan ng lungkot ang kanina’y piging,
Dahil si Mang Lopab ngayo’y nakahimbing,
Sa isang ataul tila mamahalin,
Daming nakiramay, lahat nakikain.

©Mobibard / Intellectual Rights Reserved.

No comments:

Post a Comment