ANTIPARRA

Hindi maiwasang matakot mangamba, pag nagsagadsad pa ang mga hinuha,
Sana may mahibo at makapagpasya, na samahan ako sa aking adhika,
Dapat may kumilos h’wag nang alipugha, baka lagay natin ay lalong lumala,
Ang mga mata ay imulat ihanda, magmasid magmanman at mag Antiparra.

Sa may tabing dagat ako nakatira, kay sarap ng hangin kapag umihip na,
Ngunit kung minsan ay nakakairita, ginawang tapunan ng mga basura,
Hindi kaya nila ito nakikita, o sadyang pikit lang ang kanilang mata,
Kung tanghaling tapat sadyang nananadya, dapat sa kanila ay mag Antiparra.

Kapansin-pansin din maging mga bata, aliw sa pagkain ng kendi’t sitserya,
Ang nakakalungkot nakakadismaya, kung saan-saan lang tapon kalat nila,
Kulang nga ba tayo konting disiplina, o ‘di naman kaya’y nakasanayan na,
Sa tahanan palang dapat turuan na, kundi pagsuotin din ng Antiparra.

Kahit yung de-batlag ‘di rin makailag, mga aral pa yan sa unibersidad,
Basura na dala ay inilalaglag, sa mga kalsada ay pinapalipad,
Akala mo’y hari walang pumapalag, at laging tameme buong komunidad,
Hindi naman kaya mga mata’y bulag, o yung Antiparra laging hinuhubad.

Sa mga kawani ng pamahalaan, sana nga tayo ay laging magtulungan,
Nawa ay punuan aming pagkukulang, upang hiling ninyo amin ding tugunan,
Huwag naman kami na pagmalupitan, pag nakita ninyo aming kahinaan,
Tunay na Ka Wani si Ka Ayos din yan, kaya’t Antiparra dapat laging tangan.

Kaya marapat na magmanman ang mata, panuos gamitin hindi lang sa DOTA,
Kung may napansin ka ba’t ‘di ilathala, upang makarating sa namamahala,
At ang kamalayan ay lumaganap nga, magiging katuwang na ay laksa-laksa,
Mahal nating bayan pigilang masira, lahat ay magsilbi bilang Antiparra.

©MobiBard
Intellectual Rights Reserved.
Antiparra

No comments:

Post a Comment