KAHAMAGAN

Kung kabutihan ang magiging sukatan,
Upang sarili ko'y marapat Mong tingnan,
Dagli na yuyuko dadapa na lamang,
Dahil sandamakmak aking kahihiyan.

Hindi rin marapat na ako'y pagbigyan,
Dumulog, lumapit, sa may tarangkahan,
Maging ang pumanhik sa Iyong hagdanan,
Sapat nang matanaw Ka sa durungawan.

Dahil magmula nga nang ako'y isilang,
Nang-gigitata sa sobrang kasalanan,
Higit sa bangkukang kung pandidirihan,
Mainam paluin o kaya'y apakan.

Bagkus sa kabila yaring pagkukulang,
Wagas Mong pag-ibig akin ngang na-tukyan,
Pinawi Mo'ng bigat sa 'ki'y nakaatang,
Banayad ang galit kung 'yong iparamdam.

Pinaunawa Mo na ako'y hinirang,
Marumi kong saplot Iyong binihisan,
Tinuwid ang landas na nilalakaran,
Binigyang liwanag ang aking karimlan.

Kung ako'y ituring higit kaibigan,
Animo ay batang aking kahamagan,
Takot ko'y pinawi at biniyayaan,
Hindi itinakwil hindi kahit kailan.
========================
Inspired by: Psalm 51

©MobiBard
Intellectual Rights Reserved.
Kahamagan

No comments:

Post a Comment