APARATO

"Ang bayan kong Pilipinas, lupain ng ginto't bulaklak..."

Naalimpungatan ako nang marinig kong malakas na kinakanta ang mga linyang iyon. Karga-karga ang umiiyak niyang anak dahil sa masama ang pakiramdam. Napag-alaman kong sundalo ang kumakanta ng nasabing makabayang awitin. Tinanong ko siya saglit kung anong sakit ng anak n'ya, at sa 'di inaasahan, ay katulad din pala ang sakit ng anak ko…pneumonia!

Ngunit 'di ko halos pansin ang mga sumunod na mga linya dahil sa sobrang antok pa ako. Marahil ay sa sobrang pagod na rin dahil kagabi ay nilibot ko ang mga bayan ng Morong, Teresa, Antipolo, Taytay, Angono, Binangonan, at Cardona, hanggang makabalik ulit sa Morong Doctors Hospital kahahanap ng mga gamot na kakailanganin para sa anak kong nasa pagamutan. Nilibot ko ang mga bayang nabanggit sa pag-aakalang makahahanap ako ng mas mura kaysa sa presyo ng naturang ospital. Subalit pagod lamang ang napala ko sa paglilibot kong iyon dahil wala akong makitang gamot na inireseta ng doctor. Sa nasabing pagamutan lang pala mayroon ang hinahanap kong gamot.

 “Dok???” 

Iyan lang ang mga kataga na lumalabas sa aking bibig sa tuwing dumadating ang doctor na may dala-dalang aparato na may naka laylay na maliliit na hose. Maya-maya pa ay dahan-dahang ipapasok sa ilong ang maliit na hose na iyon bago paandarin ang de-makinang aparato.

“Kailangan natin gawin ito upang higupin ang plema mula sa baga ng bata”.

Tugon ng doktor sa kaninang nagtatanong-banggit ko sa pangalan niya. Minsan ay sa bibig ipinapasok ang maliit na hose. Ramdam ko ang kirot habang pinagmamasdan ang kalagayan ng isa’t kalahating buwan kong sanggol. Lupaypay ang bata kapagka nilulubayan na siya sa pagsa-suction sabay na tutulog ng medyo matagal-tagal dahil nakakahinga na siya ng maluwag. At iyon din ang pagkakataon na sinasabayan ko siya ng tulog. Kailangan kong makaidlip dahil maya-maya pa ay papasok na muli ako sa kompanyang pinagtatrabahuhan.

Tanging himala ng Diyos ang naigawad kung kaya ay gumaling ang bata. Madalas ay 'di ko namamalayan na may mga butil na ng luha na animo'y nagpapaligsahan sa pagpatak sa mga mata ko. Maraming tanong sa isipan kung bakit sa anak ko pa nangyari. Parusa kaya ito sa akin kung kaya nagkaganito? Ngunit nananatili lang sa loob ng aking puso ang mga tanong na iyon at ako lang din marahil ang makatutugon. Hindi naman siya pinabayaan sa pag aaruga; bagkus ay hinayaan ko na lamang ang mas nakaaalam kung paanong mapanunumbalik sa normal na kalalagayan ang bata. Batid ng Diyos ang daing ng aking puso.

Dalawamput isang taon na pala! Parang kailan lang, kung hindi nga sana naabutan ng programa ng DepEd na K to 12 marahil ay tapos na sa kolehiyo. Ngunit dahil sa mga alituntunin ng paaralan ay dumaan muna sa Senior High School ang kaniyang pag-aaral kung kaya nasa pangatlong taon palang sa kolehiyo ngayon.

Ang mga karanasan sa MDH ay isa na lamang kwento kung paanong nailigtas siya sa bingit ng kamatayan. Ngayon ay napagtanto ko na minsan ay hinahayaan ng Diyos na dumaan tayo sa matinding pagsubok. Dahil kapag nalagpasan na ang mga ito ay mas mataas na papuri ang maiuukol sa Kaniya at mas dakila ang pagdiriwang sa Kanyang kabutihan.

©Mobibard / Intellectual Rights Reserved.



No comments:

Post a Comment