MUSTASA (Mustard Green)

Ang mulát na mga mata ganda ay napagmamasdan,
Mga bulaklak sa hardin mga halamang luntian,
Maging ang simoy ng hangin sa dampi’y nasasarapan,
At huni ng mga pipit musikang napakikinggan.
 
Tuloy biglang naalala noon ngang mga bata pa,
Yaong taniman sa libis sa malawak na tumanà,
Dahil sa gustong matikman kung lasa’y mapait nga ba?
Pinitas nga at nginuya luntiang dahong mustasa.
 
Itong gulay na mustasa sa panlasa ma’y mapait,
Ngunit aking natitiyak napapalis mga sakit,
Mga sustansiyang taglay sa tulâ ko’y ibabanggit,
Nang mapansin itong gulay at maisama sa diet.
 
Hindi maikakaila sámot-sarì ang pagsubok,
Ang buhay minsa’y masaya kung minsa’y paghihimutok,
Pandama’y “malá-mustasa” mapapait, mapupusok,
Ngunit ito’y kaakibat sa katagumpayang rúrok.
 
Ang mustasa pag kinain sa buhay nagpapalawig,
Kahit pa ang lasa nito’y sadyang ‘di kaibig-ibig,
Ngunit ito’y asistens’ya na lalo tayong tumindig,
Sa mga hámon ng buhay hindi basta palulupig.
    
Hindi man kaaya-aya’t maaaring hindi gusto,
Ang lasa nitong halamang ‘pinangangalandakan ko,
Ngunit kapagka nalaman kanyang mga benepisyo,
Ay bakâ nga ipagpalit sa maalat na puchero.
   
Mga sakit sisipain pag mustasa ay kinain,
Mapait man sa panlasa ngunit dapat na tanggapin,
At sa buhay ay kagaya mapapait na dalahin,
Upang ginhawa’y makamtan kapaita’y titiisin.
 
©Mobibard / Intellectual Rights Reserved.

No comments:

Post a Comment