BAWANG (Garlic)

Pantaboy nga raw sa aswang itong halaman na bawang,
Maging tiyanak at tiktik, manananggal at tikbalang,
Mga sinaunang k’wentong ‘binida sa kabataan,
Ewan lamang kung totoo basta’t ako ay may alam.

Alam kong mababa lámang ang taglay na kaloriya,
Bitaminang C at B6 napakayamang talaga,
Kayâ lamig sa katawan pati sipon ‘di u-ubra,
At ang pagtaas ng dugo kontrolado’t tinatant’ya. 

Mantakin mo! tinutunaw ang naipong cholesterol,
Higít sampung porsiyentong nibel babâng ginugugol,
Tuloy wang-wang ng ambulance madalang na ang pag-íngol,
Kung kayâ’t ang tsuper nito’y laging pakuya-kuyakoy. 

At maging antioxidant ang bawang ay may taglay din,
Pinababagalan nito ang pagtanda na matulin,
Mayron ding antibiotic na allicin kung tawagin,
Kayâ’t bakterya’t impeks’yon tiyak na paaalisin.

Mabisa ring pampalakas sa katawang napapagod,
Pagkahapo’y maiibsan kahit pa kayod nang kayod,
Sa gitna ng kahirapan pamilya’y itataguyod,
Ang bawang ay magsisilbing sa kataway tagahagod.

Doon sa kuwentong aswang ‘di ba’t nakapagtataka?
Di kayâ mangangalakal may pakana sa istorya?
Upang lalo na mabili mga bawang na paninda,
‘Yang k’wento yatang sekreto kaya yumaman na sila.

BAWANG
©MobiBard / Intellectual Rights Reserved.

No comments:

Post a Comment