PULANG KULITIS (Red Amaranth)

Masarap pakinggan at napakatamis,
Pag bata’y tumawa at pag humagikhik,
Parang tayo noon doon sa may libis,
Panay ang tawanan kung minsa’y umawit.

Doon sa dalisdis ay kapansin-pansin,
Mapulang halaman kaygandang tanawin,
Na nagpapatingkad ng kulay sa hardin,
Kulitis na pula palá itong tanim.

Mga katangian na kanais-nais,
Ay makakamtan sa halamang kulítis,
Mabisang panglunas sa celiac disease,
Halina't magtanim nang sakit mapalis.

Kung pag-uusapan mga bitamina,
Ay napakarami dala'y 'sangkaterba,
Mariwasang tunay lalo sa protina,
Sa antioxidant mayamang talaga.

Kapagka gataan ulam na masarap,
Kahit mga bata'y hinahanap-hanap,
Kayâ pag magluto siguruhing sapat,
Nang hindi mabitin mabusog ang lahat.

At sa nanghihina't pagod na katawan,
Mulaan ng lakas ito ngang halaman,
Huwag iwawaglit h’wag kalilimutan,
Sekretong malupit ni Popeye-Sailorman.

No comments:

Post a Comment