OFW

Itong aking tula ay para sa inyo, mga kababayan kong, O-F-W,
Mga paalala mga pagbibiro, nang kahit papano pagod n'yo'y maglaho,
Saan ka mang lugar kahit saang dako, sa 'king sasabihin nawa'y marahuyo,
Pag 'di na ingganyo humanda na kayo, salipawpaw ko ay sa inyo'y susundo.     

Kahit na ako ay tunog nagbibiro, pagpapagal n'yo ay totoong 'di biro,
Sa mga gawain madalas tuliro, ngunit kahit kailan hindi sumusuko,
Para sa pamilya, para sa kapuso, sa mga kapatid, sa mga katoto,
Kahit sobrang pagod kahit nanlulumo, pilit na babangon tibay na tatayo.

Lungkot napapawi pagtunog ng telepono, luha ay tutulo pag nakapag bidyo,
Lalo pag nakita ang ngiti ni bunso, animo'y nanalo sa tinaya'ng lotto,
Puso ay lalambot biglang mangangako, na magpapadala imported na baro,
Pati na rin cellphone o kahit na ano, katumbas nang saya tatlong buwang sweldo.

Sa init ng araw doon sa disyerto, hindi iniinda animo ay lango,
Buo ang pangarap latag na ang plano, konti na pahinga kain kapiraso,
At kung kulang pa rin yaong sinusweldo, pilit magtitipid barya'y itatago,
Dapat laging handa dapat ay alerto, baka may humingi pagtunog ng telepono.

Napag-alaman ko sa mga katoto, sa inyo ay sikat programa ni Tulfo,
Dahil marami daw mga nagloloko, idinadaan lang sa larawan at bidyo,
Aba kaibigan mag iingat kayo, at baka sa huli kayo ang dehado,
Lalo kung ikaw ay isang pamilyado, hindi kana single o if dobol u.

Sana kahit pa'no lunos ay naglaho, ito namang akin lanyos lang sa inyo,            
Sa mga nahabi 'di man magkagusto, ang mahalaga ay hanga ako sa inyo,
Kung may nasaktan man h'wag mag alimpuyo, mahalaga kayo'y nakanambitan ko,
Ipagmamalaki ko sa buong mundo, Bagong Bayani ng Bayang Pilipino.

©MobiBard
Intellectual Rights Reserved.
OFW

No comments:

Post a Comment